“Someone else is happy with less than what you have.”
Isang araw matapos ang bakasyon ko sa Surigao at Cebu, nagkasalubong kami ng kapitbahay kong si Earl. Kasalukuyan kong inilabas saglit ang mga alaga naming aso habang siya naman ay pauwi galing sa isang inuman.
“Oh Jeff, kelan ka pa nakauwi?”
“Kagabi lang ako nakabalik galing Cebu.”
Sabay shake hands at tapik sa balikat.
“Mabuti ka pa, pa biyahe-biyahe na lang, samantalang ako laging nandito lang sa bahay.” Umiiling na banggit ni Earl.
“Eh ikaw nga tingnan mo nga yung naipundar mo, may sarili ka ng sasakyan at paupahan.” Sabay turo ko sa kanyang tatlong palapag na apartment.
“Oo, fulfilling din makita yung mga naipundar ko, pero ang tanong masaya ba ako?”
“Tingin ko naman masaya ka.” Tugon ko kay Earl. “Kita mo nga may pamilya ka na, yung baby mo pati lumalaki nang kamukha mo. Eh samantalang ako, eto binata pa din.”
“At least ikaw nae-enjoy mo yung pagkabinata mo. Nakakapunta ka sa iba’t ibang mga lugar at nakakakilala ng iba’t ibang tao. Ako, hindi ko na magagawa yan kase pamilyado na ako.”
“Mukhang madibdibang usapan ito.” Bulong ko sa sarili ko.
“Ipasok ko muna saglit ‘tong mga aso Earl, balik ako agad.”
Pagkaraan ng isang minuto, lumabas akong muli ng bahay habang si Earl naman ay nagsisindi ng kanyang yosi.
“Bakit mo naman nasabi yung mga ganun, Earl? Samantalang sa ating lahat na magkababata, ikaw ang isa sa mga nilu-look up ko. Natutuwa nga ako sa mga achievements mo sa buhay.”
“Minsan kase Jeff hindi naman mga achievements sa buhay ang magpapasaya sa atin. Kadalasan nga kung ano pa yung mga maliliit na bagay, yun pa yung mas nakakapagpasaya sa atin.”
“Oo, alam ko yung iba nating mga kababata maaaring naiinggit sa akin, pero bakit sa case ko ako naman ang naiinggit sayo? Simple lang naman ang ginagawa mo, ang magbiyahe. Pero nakikita ko masaya ka.”
Lumapit ako kay Earl, ipinatong ang aking kanang kamay sa kanyang kaliwang balikat, at nagbigay ng kaunting payo.
Pagkatapos namin mag-usap ay pinatay na ni Earl ang sindi ng kanyang yosi at umuwi na kami sa kanya-kanya naming tirahan.
*****
May mga realizations ako sa aming pag-uusap.
1. Napagtanto ko na minsan yung mga bagay na kinaiinggitan natin sa kapwa natin ay maaaring normal lang sa kanila. At yung mga bagay naman na tingin natin eh normal o walang masyadong halaga sa atin, ang siya namang kinaiinggitan ng iba.
Gaya na lang ng kaibigan kong si Earl na ang buong akala ko masaya na dahil sa mga naipundar niya, eh hindi naman pala. At ako naman na puro lang biyahe, na ang akala ko iniisip ng mga tao sa paligid ko na walang kwenta yung ginagawa ko eh nabibigyang-pansin din pala ni Earl.
2. Lahat tayo ay pwedeng maging masaya — kahit sa simple at maliit na bagay lamang.
Nabanggit sa akin ni Earl na kapag pinapadala siya ng opisina nila for out of town, minsan nasa magarbong hotel siya naka check-in. Malaki nga daw yung kwarto, pero mag-isa siya. Masasarap ang mga hinahaing pagkain pero wala siyang kasalo.
Samantalang kapag bumibyahe daw ako, minsan sa hostel lang ako tumutuloy. Hindi kalakihan ang kwarto, pero may mga kasama ako. Ang free breakfast ay toasted bread lang at kaunting palaman, pero at least may mga kasalo daw akong galing pa sa iba’t ibang bansa.
3. Hindi natin kelangan ikumpara ang sarili natin sa iba.
May napanood akong video kung saan ang isang lalaki na nakasakay sa isang sports car ay nakatingala at naiinggit sa taong nakasakay sa helicopter. Gusto daw niyang magkaroon ng sariling helicopter.
Habang nasa tabi naman niya ay isang lalaking nakasakay sa isang ordinaryong kotse, na naiinggit naman dahil sa kanyang sports car.
Sa tabi ng ordinaryong kotse, may lalaking nakasakay sa bisekla at nangangarap na sana ay magkaroon din siya ng sariling kotse.
Nagmamasid naman sa gilid ng waiting shed ang isang lalaking nakatayo habang tinitingnan ang lalaking nakabisekleta. Hangad niya na makabili ng isang bisekleta.
Habang sa isang bintana naman, nakatanaw ang isang lalaking nakaupo sa wheelchair, naiinggit siya sa lalaking nakatayo kase may paa siya at pwedeng makapunta saan man niya gustuhin.
Hindi tayo magkakaroon ng kasiyahan at contentment sa buhay kung lagi na lang natin ikukumpara ang sarili natin sa ibang tao. Tanggalin natin ang inggit sa katawan natin at bagkus ay magpasalamat sa Diyos sa kung ano man ang meron tayo ngayon.
*****
Bago matapos ang pag-uusap namin ni Earl, nabanggit niya sa akin na hindi naman talaga importante ang estado mo sa buhay o kung ano pa mang mga materyal na bagay na meron ka. Ang importante talaga sa lahat ay kung masaya ka.
At tingin ko, tama siya.
Ikaw na nagbabasa nito, masaya ka ba?
Kuntento ka ba? O lagi mong kinukumpara ang sarili mo sa iba?
Paano nga ba tayo nagiging masaya?
Now I shall make some tea.
Ciao!
– Jeff
Yung naiisip ko habang binabasa to, kakacelphone/social media natin to. Hehe. Nice realizations! Ika nga nila, comparison is a thief of joy.
At the moment, masaya ako. Dahil nakapag-pasalamat ako first thing ngayong umaga, naiwasan magcelphone pagkagising pa lang, nakapag-garden, breakfast at kape. Plus may bagong follower sa Substack, salamat sa pagsubscribe, Jeff!